KALIBO, Aklan – Wala nang inabutang puntod na pagtitirikan ng kandila at aalayan ng bulaklak ang ilang pamilya na bumisita sa isang pampublikong sementeryo sa bayan ng Banga, Aklan.
Kasunod ito sa pagguho ng limang palapag na apartment type kung saan nasa 15 nitso ang nasira na naging dahilan ng paglabas ng ilang mga kabaong na nitong nakaraang dalawang buwan lamang nailibing maging ang buto ng mga yumao.
Ayon kay Engr. Hermie Seraspi, municipal engineer ng lokal na gobyerno ng Banga na posibleng dahil sa walang tigil na ulan dala ng bagyong Paeng ay lumambot ang lupa at may kalumaan na ang pundasyon sa ibaba kung kaya’t bumigay ang mga ito.
Nakadagdag pa aniya dito ang ilang palit nang paglilibing ng patay kung saan laging sinisisi ng sepulturero ang puntod.
Kaugnay nito, sinabi pa ni Engr. Seraspi na kaagad na inilipat ng ibang nitso ang mga kabaong na nahukay at nagsagawa ng disinfection sa lugar ang Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) Banga para sa kaligtasan ng kalusugan ng mga papasok sa naturang sementeryo.
Ipinagbawal rin ng LGU na lapitan ang lugar at minabuti nilang takpan ito ng trapal.
Sa kasalukuyan ay parami nang parami ang mga pumapasok sa sementeryo upang alayan ng dasal ang kaluluwa ng mga mahal nila sa buhay.