-- Advertisements --
PERCY Lapid 2

Nagpulong ang ilang matataas na opisyal ng Department of Justice, Philippine National Police, at Department of the Interior and Local Government para talakayin ang kanilang magiging mga hakbang hinggil pa rin sa paglutas sa kasong pagpatay sa mamamahayag na si Percy Lapid.

Ayon kay Interior Secretary Benjamin Abalos Jr. ang naturang pagtitipon na dinaluhan ng nina Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, National Bureau of Investigation Director Medardo de Lemos, Philippine National Police Chief PGen. Rodolfo Azurin Jr. at National Capital Region Police Office Director Brigadier General Jonnel Estomo ay nagsilbi bilang final briefing sa kanila bago ang kanilang paghahain ng kaso laban sa mga indibidwal na sangkot sa naturang krimen.

Aniya, ito ang kanilang paraan upang tiyakin ang kahandaan ng lahat habang sa bukod na pahayag naman ay sinabi ni Southern Police District Director Brigadier General Kirby John Kraft na inaayos na nila ang lahat ng documentary requirements na kinakailangan para sa naturang kaso.

Ngayong araw, Nobyembre 11, 2022, inaasahang isasapubliko ng National Bureau of Investigation ang ulat ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) hinggil sa bank account ng self confessed gunman na si Joel Escorial.

Kasunod ito ng una nang pagkumpirma ni Remulla na mayroon ngang natanggap na Php550,000 na halaga si Escorial na idineposit sa kaniyang bank account, ayon aniya sa inisyal na report ng Anti Money Laundering Council.