Duda ang ilang mambabatas sa US na pera lamang ang motibo ng computer hackers na gumamit sa mga Twitter accounts nina dating Vice President Joe Biden, reality star Kim Kardashian, ex-President Barack Obama at Elon Musk.
Ayon kay Senator Ed Markey, isang Democrat, na kahit na financially motivated ang nasabing pag-hack ng suspek sa Twitter account ng nabanggit na opisyal ay dapat imbestigahan rin kung nagamit ba ito sa ibang paraan.
Itinutukoy nito na maaaring magamit ito sa pangingialam sa US elections, pagsira ng stock market at pagbuwag sa magandang relasyon ng bawat bansa.
Magugunitang bukod sa mga nabanggit na mga celebrities at politicians ay napasok din ng mga hackers ang account nina Microsoft co-founder Bill Gates, Amazon founder Jeff Bezos, rapper Kanye West at ibang corporate accounts ng Uber at Apple Inc.
Nagpost ang hackers na humihingi ng pera sa mga follower ng mga may-ari ng account para sa kanilang proyekto.
Tiniyak naman ni CEO Jack Dorsey na hindi na mauulit ang pangyayari at kanila na itong iimbestigahan.