Hindi na mabilang ang mga mamamayan ng London na nag-aabang na sa pagdating doon ng labi ng yumao na si Queen Elizabeth II.
Maaga pa lamang ay nagsisimula nang dumagsa ang mga tao upang masilayan sa huling sandali ang dating namumuno sa United Kingdom.
Ang kabaong ni Queen Elizabeth II ay inaasahan na darating bago mag-alas-7:00 ng gabi sa UK at alas dos naman mamayang madaling araw sa Pilipinas.
Ililipat ang kanyang labi mula sa Buckingham Palace – ang lugar kung saan siya ay nasilayan nina King Charles III at Camilla, ang Queen Consort pati na ang ibang miyembro ng Royal Family.
Una rito, maagang umalis sina King Charles at Camilla patungong Belfast upang makipagkita kina Secretary of State for Northern Ireland, member of parliament Chris Heaton-Harris at iba pang mga lider para magkaroon ng religious meeting bago lumipad pabalik ng London.
Mula naman sa Buckingham Palace, ililipat nga ang labi ni Queen Elizabeth sa ganap na alas-2:22 ng hapon sa darating na Miyerkules patungong Westminster Hall na tatagal doon ng apat na araw bago ang libing sa Lunes.
Sa paglipat ng labi, si King Charles at ang mga miyembro ng Royal family ay makikiisa sa paglalakad na tatagal sa loob ng 38 minutos.
Inaasahan naman na darating ang katawan ng reyna alas-3:00 ng hapon sa London at alas-10:00 naman ng gabi oras sa Pilipinas.
Ang kabaong ng dating reyna pagdating sa Westminster Hall ay magkakaroon ng bantay sa loob ng 24 oras kada araw na pangungunahan ng mga sundalo na nagsisilbi sa Royal Household.
Maaari namang magbigay ng personal na pakikiramay sa kabaong ni Queen Elizabeth II ang publiko mula alas-5:00 ng hapon sa UK simula bukas araw ng Miyerkules. (with reports from Bombo Allaiza Eclarinal)