Patuloy na posible ang pagbaha sa ilang lugar sa Metro Manila, Laguna at Rizal dahil sa tuloy-tuloy na pag-ulan dulot ng southwest monsoon o habagat.
Ayon sa PAGASA flood bulletin na inilabas alas-6 ng umaga nitong Linggo, nakapagtala ng katamtaman hanggang malakas na pag-ulan sa Luzon at Visayas sa nakalipas na 12 oras. Inaasahan ding magpapatuloy ang moderate to heavy rainfall hanggang alas-5 ng hapon.
Kabilang sa mga ilog at waterways na posibleng maapektuhan ng pagbaha ang Upper at Lower Marikina River, Pasig River at San Juan River sa Metro Manila.
Posible rin ang pagbaha sa mga lugar na sakop ng Main Laguna de Bay River Basin, Pagsanjan River, San Isidro River, Biñan River at San Juan River sa Laguna, gayundin sa Tanay at Morong rivers sa Rizal.
Maaari ring maapektuhan ang ilang tributaries gaya ng Mango River, Nangka River, Cainta River, Taytay River at Buli Creek.
Ayon sa PAGASA, maaari ring bahain ang ilang kalsada at lansangan dahil sa mahina o baradong drainage system at pagtaas ng tubig, na maaaring maging dahilan upang hindi madaanan ang ilang ruta.
Pinag-iingat ng PAGASA ang mga residenteng nakatira malapit sa mga dalisdis ng bundok at mabababang lugar, gayundin ang mga local disaster risk reduction and management councils.
Samantala, nasa 8,911 barangay sa buong bansa ang tinukoy ng DENR-Mines and Geosciences Bureau na nanganganib sa pagbaha at landslides dahil sa patuloy na pag-ulan.
















