-- Advertisements --
248049228 4485299361578123 5987224574401753121 n

DAVAO CITY – Muling nakaranas ng malakas na pag-ulan ang ilang bahagi ng lungsod ng Davao kagabi at maraming residente ang apektado.

Kabilang sa mga apektadong lugar ay ang Torres Street, Roxas Avenue, Dacudao Avenue, J.P. Laurel Avenue sa Bajada, Toril, Buhangin at Matina area.

Ilan sa mga residente ang nakabalik na sa kanilang mga bahay ngunit problema nila ngayon ang mga nabasa nilang mga gamit matapos pasukin ang kanilang mga bahay ng tubig baha.

Kasabay ng malakas na pag-ulan at pagbaha kagabi ay nakaranas din ang siyudad ng brownout kaya pahirapan din ang paglikas sa mga residente.

Isa sa mga binabantayan ng Davao City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) ay ang lebel ng tubig sa mga flood prone areas ito ay para maiwasan ang casualty.

Nagsagawa rin ng pre-emptive evacuation sa mga residente sa Laverna hills sa Buhangin dahil ilan sa mga bahay sa lugar ay lampas-tao na ang mga pagbaha.

Ang nararanasang mga pagbaha ay epekto ng Intertroprical Convergence Zone (ITCZ).

Dahil dito, pinaalalahanan ng mga local government units (LGUs) ang mga residente na manatiling alerto lalo na at posibleng makaranas pa rin ng pag-ulan ang lungsod sa mga susunod na araw.