-- Advertisements --
image 213

Todo ngayon ang panawagan ng ilang mga opisyales sa lokal na pamahalaan kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos na sila ay tulungan lalo na sa mga lugar na labis na sinalanta ng magkasunod na bagyong dumaan sa bansa ngayong buwan lamang ng Oktubre.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Philippines kay Allacapan Mayor Harry Florida, sinabi nitong malawak na lupain sa kanilang lugar maging sa ilang karatig na bayan sa Cagayan ang nasira ang mga sakahan dulot ng bagyong Maymay at Bagyong Neneng.

Aniya, ang mga palay na malapit nang anihin ay lubog sa baha kaya naman ay hindi na maganda ang kalidad ng mga palay na ito.

Kaya naman, bilang kalihim din ng Department of Agriculture, todo ang panawagan ng alkalde ng tulong sa Pangulong Marcos para sila ay makabangon.

Kung maalala, malaki ang pinsalang dulot ng bagyong Maymay at Bagyong Neneng sa agrikultura sa Northern Luzon.

Kabilang din sa mga naapektuhan ang mga imprastraktura at alagang mga hayop ng ating mga kababayan.