-- Advertisements --

Binabalak ng ilang garments manufacturers at exporters sa Pilipinas na mag-export ng medical-grade personal protective equipment (PPE) sa ibang bansa.

Ito ay sa kabila ng tila patuloy na pagpili ng pamahalaan na gumamit ng mga foreign-made PPE.

Natatawa na lang daw si Senator Nancy Binay dahil kaya ng Pilipinas na magsuplay sa labas pero hindi sa sariling bakod nito.

Sa isinagawang pagdinig ng Senate economic affairs committee, muling ipinaalala ni Coalition of Philippine Manufacturers of PPE (CPMP) Executive Director Rosette Carrillo ang hinaing ng grupo noong nakaraang taon hinggil sa kakulangan ng demand ng PPE mula sa gobyerno.

Kung titingnan aniya ng mabuti ang paraan ng pamahalaan sa pagbili ng mga PPE, subject pa ito sa certain standards at rules for purchasing pero masyado raw mababa ang benta sa mga PPE na gawa mismo ng Pilipinas.

Dahil na rin daw ito sa napakaraming mas murang halaga ng PPE na gawa ng China ngunit substandard naman.

OVP ROBREDO PPE 2

“We’re very competitive for the pricing, in fact in the results of the bids, we are very close but we couldn’t really compete when they start[ed] really diving the prices below industry rates,” ani Carillo.

Ayon naman kay Marites Agoncillo, executive director ng Confederation of Wearable Exporters of the Philippines (CONWEP), dahil umano sa intermittent orders mula sa gobyerno ay pinag-iisipan na ng mga kumpanya na ibalik na lang sa export market ang kanilang mga gawang PPE para ipagpatuloy pa rin ang operasyon ng kanilang mga factories at makapagbigay din ng mas marami pang trabaho sa mga nangangailangan ng hanapbuhay.

“Basically they’re semi-closed, and we only open it up when we get orders. If you don’t have the orders, especially for the cover-alls, the gowns, then we’re looking at the export market at the moment, we are trying to get in the export market,” pahayag ni Agoncillo.

Hirit nito, kung mas pipiliin ng gobyerno na bilhin ang mga locally-manufactures PPEs ay makakatulong ito upang maisalba ang mahigit 3,500 trabaho mula sa 25,000 na retrenched employees simula noong Disyembre.

Inilatag naman ni Sen, Imee Marcos ang ulat na nagpapakita sa cursory review ng lahat ng winning bids. Makikita raw dito na pare-parehong kumpanya lang ang nananalo sa bawat bidding round.

Ayon sa senador, sa kabila ng murang presyo ng mga PPE ay non-medical grade PPEs naman ang ibinibigay ng mga nananalong bidders. Di hamak aniya na mas maganda pa ang mga locally-made PPEs na nakapasa pa sa international standards.

Kung maaalala noong 2020 ay tumanggi ang ilang agencies na paboran ang pag-import ng PPEs mula China at tiniyak na susuportahan ng mga local manufacturers ang produksyon ng PPE sa bansa.

Sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One Act or Bayanihan 2, nakasaad dito na gagawing prayoridad ng pamahalaan ang mga Filipino manufacturers at suppliers sa pagbili ng mga PPEs, face masks, at iba pang protective gears para sa mga health care workers at frontliners sa Pilipinas.