VIGAN CITY – Nakahandang ipamahagi sa mga preso sa Ilocos Sur Provincial Jail ang ilang libong kilo ng processed meat products na plano sanang ipuslit sa lalawigan ngunit nakumpiska sa quarantine checkpoint sa Barangay Bio, Tagudin.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, binigyang-diin ni Provincial Quarantine Officer Martel Quitoriano na ang mga nasabing meat products ay ligtas na kainin dahil wala itong palatandaan na kontaminado ito ng African swine fever (ASF) virus.
Aniya, ang tanging rason lamang kung bakit nila kinumpiska ang 10,280 kilo ng processed meat products na isinakay sa isang truck na minaneho ng isang Patrick Tablito, 29-anyos, may-asawa na taga-Gen. Mariano Alvarez, Cavite; kasama ang mga pahinante nitong sina Darwin Baldonado, 25-anyos na residente ng Barangay Suso, Sta. Maria; at Jeffrey Viernes, 19, residente ng Capacapa, San Esteban, ay dahil tinakasan nila ang quarantine checkpoint sa Barangay Bio at hindi nila boluntaryong idinaan sa inspeksyon ang kanilang mga karga.
Kaugnay nito, nahaharap sa kasong paglabag sa ilang probisyon ng Provincial Ordinance number 15-06, series of 2015, ang driver at dalawang pahinante nito at pinagmumulta pa ng P10,000 bukod sa nakumpiska ang kanilang mga kargamento.
Una rito, nakumpiska rin sa quarantine checkpoint sa parehong lugar ang isang Urvan Escapade Van na minaneho ni Wilfredo Basilio, 41-anyos, may-asawa at residente ng Calipahan, Talavera, Nueva Ecija, na naglalaman naman ng 100 kilo ng pork chicharon na walang shipping permit na nakatakda sanang ideliver sa Ilocos Sur at sa Ilocos Norte.