Magkaiba ang posisyon o pananaw ng ilang mga legal luminaries sa panukalang pag-amyenda sa 1987 Constitution o tinatawag na Charter Change o Cha-Cha.
Sa isinagawang unang public consultation ng House Committee on Constitutional Amendments, sinabi ni dating Supreme Court Associate Justice Vicente Mendoza na mayroong mga dapat ikunsidera, gaya ng gastos kung isasagawa ang Constitutional Convention o Con-Con para sa Cha-Cha.
Binanggit din ni Mendoza na may panganib ang Con-Con, dahil maaaring magkaroon ng “run-away Constitutional amendments” kung saan hindi ito makokontrol.
Tinukoy din ni Mendoza ang “propriety” kung saan tama raw ba na ang Kongreso ang magsilbing Constituent body na magbotohan para sa “additional powers” para sa sarili nito.
Sa panig naman ni Atty. Christian Monsod, na isa sa framers ng 1987 Constitution, hindi kailangan sa ngayon na amyendahan ang Konstitusyon, dahil sa usapin ng “context, content at process.”
Kabilang sa mga nabanggit niya ay mapanganib ang pagsingit ng “unless otherwise provided by law” dahil ang “wholesale transfer” ng kapangyarihan sa foreign ownership ay magiging bukas para sa “transaction legislation” na maaaring samantalahin ng mga kurap na politiko at negosyante.
Dagdag pa ni Monsod isang “lame excuse” ang “political dynasties” sa ating bansa para maamyendahan ang 1987 Constitution.
Binigyang-diin ni Monsod na inspirasyon ng 1987 Constitution ang “EDSA” dahil sa pagbabalik ng demokrasya.
Aniya, hindi magagawa ang totoong pagbabago kung hindi reresolbahin ang ugat ng problema.
Dagdag pa ng beteranong constitutionalist na ang Kongreso ay nabigong magpasa ng anti-dynasty law sa loob ng 35-taon, at sinisi pa ang Konstitusyon para sa “lapse”, na isa umanong lame excuse o mababaw na dahilan.
Sinabi ni Monsod, ang tunay na rason dito ay pansariling interes, kaya sa halip na madaliin ang pag-amyenda ng Konstitusyon, sinabi niya na bakit hindi na lamang magpasa ang Kongreso ng anti-dynasty law na magpapalawig ng hanggang “4th degrees” na napapanahon pa para sa Barangay Elections.
Samantala, sinabi ni dating Supreme Court Associate Justice Adolfo Azcuna na kung aamyendahan man ang Saligang Batas ng bansa, ito ay pagtanggal ng economic restrictions.
Pagdating naman sa pagboto, hiwalay na 3/4 votes dapat ang Kamara at ang Senado, isumite para sa plebesito, at kung may pagkwestyon ay hayaan ang Korte Suprema na ma-interpret ito.
Sa panig naman ni Atty. Raul Lambino na pabor siya sa pag-amyenda sa Konstitusyon, at sa katunayan ay gusto niya ng “Parliamentary Federal System of Government” pero mahirap itong gawin sa ngayon dahil kailangan ng masusing pag-aaral.
Para sa tunay na “restructuring” o muling pagsasaayos sa gobyerno, panahon na umanong magkaroon ng “political restructuring,” maliban sa “economic restructuring.”
Mungkahi ni Lambino na magkaroon ng 8 senatorial regions ang Pilipinas, kung saan 3 sa Luzon o North at South Luzon at National Capital Region; 2 sa Visayas o East at West; at 3 sa Mindanao, o sa East, West at BARMM.
Dagdagan din aniya ang bilang ng mga senador, o Liderato ng Kamara, kumpiyansa na kakayaning mapanatili o malampasan ang mataas na economic growth ng bansa.
Dumalo din sa pagdinig kahapon si UP School of Economics Professor Emeritus Dr. Solita “Winnie” Monsod Ph.D. upang magbigay ng kaniyang insights sa Foreign Direct Investment (FDI).















