-- Advertisements --

LEGAZPI CITY- Naglabas ng hinanakit ang ilang konsehal na dumalo sa itinakda sanang halalan ng Philippine Councilor’s League (PCL) national officers.

Bukod sa pagod at gastos, hindi ikinatuwa ng mga ito ang naging trato ng incumbent officials matapos na ideklara ang “failure of election.”

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Manito, Albay Councilor Malu Dagsil, ala-1:00 hanggang ala-5:00 ng hapon ang schedule ng halalan subalit inabot ng alas-2:00 ang paghihintay.

Dahil nasa ground floor sila nag-umpukan at hindi nakapasok sa 2nd floor sa SMX Convention sa Pasay, walang nagpasabi kung matutuloy o hindi ang eleksyon.

Ilang beses rin ang ipinatawag na board meeting ng mga national officers subalit walang malinaw na plano sa pagtutuloy nito.

Inabot ng hatinggabi ang paghihintay ng mga ito hanggang sa higit 1, 000 na lamang ang matira na karamihan ay supporters ni Councilor Jesciel Richard Salceda ng Polangui, Albay na lumaban kay PCL national chairman Danilo Dayanghirang ng Davao City.

Hindi rin ikinatuwa ng mga ito ang pagpatay ng sound system sa event center nang isulong ng ilang natirang konsehal ang General Assembly at ad hoc committee na magpaparating sa Department of Interior and Local Government (DILG) sa pagtutuloy ng halalan sa loob ng 30 hanggang 60 araw.

Matapos ideklarang bakante ang mga posisyon at naghihintay ng susunod na eleksyon, pinoproblema ng karamihan sa mga konsehal ang magiging pagboto lalo pa’t gastos ng bayan o lungsod ang pagpunta ng mga ito sa aktibidad.