-- Advertisements --

Nangangamba ang head ng Committee on Maternal Perinatal Welfare na si Dr. Gladies Rioferio sa kaso ng mga teenage pregnancy dahil may mga naiulat na sexual abuse. 

Maraming kaso raw na kamag-anak pa ang nang-aabuso sa mga biktima ng teenage pregnancy. May mga naitala rin umano silang 10 taong gulang pa lang ay may mga boyfriends na. Ang iba pa nga sa kanila ay tricycle drivers na nasa 20 taong gulang. 

Ikinalulungkot din ni Rioferio ang hindi pagsusumbong ng mga biktima ng sexual abuse dahil pinangungunahan ito ng takot. Dahil dito, hindi raw napagbabayaran ng sexual abuser ang ginawa nitong kasalanan.

Ayon kay Rioferio, nakapagtala ang Southern Philippines Medical Center sa Davao City ng 1,448 na kaso ng teenage pregnancy noong taong 2023. 

Sa bilang na ito, 4.35% ay nasa edad 12 hanggang 14. 

26.73% naman ay edad 15 hanggang 16. 

At 68.92% naman ay nasa edad 17 hanggang 18. 

Sa kabila nito, nakapagtala naman ang Davao City Population Office ng 2,737 na kaso ng teenage pregnancy noong 2023, mas mababa ng 18% kung ikukumpara sa taong 2022. 

Gumagawa na raw ng mga hakbang ang lokal na pamahalaan ng Davao para mapigilan ang paglaki ng kaso ng teenage pregnancy gaya ng seminars at forums.