-- Advertisements --

Napinsala ang ilang health facilities sa Nueva Ecija matapos ang pananalasa ng Bagyong Karding sa ilang parte ng Luzon ayon sa Department of Health (DOH).

Iniulat ni Health officer-in-charge Maria Rosario Vergeire kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr sa situational briefing kasunod ng pananalasa ng super typhoon, nakapagtala ng minor damage ang ilang rural health unit kung saan nabasag ang mga bintana, natanggal ang bubongan ng infirmary, at tumutulo din ang bubong sa drug rehabilitation center.

Sa kabutihang palad naman sinabi ng DOH official na walang kailangang ilikas na mga pasyente mula sa mga rural health unit sa Nueva Ecija nang tanungin ng Pangulo subalit naka-standby naman ang mga ospital para umasiste.

Mayroon lamang ilang pasyente ang inilipat sa ibang lugar sa isang infirmary matapos matanggal ang bubong sa may lobby area at sa emergency room.

Bahagyang napinsala din ang bahagi ng Mega Drug Abuse Treatment and Rehabilitation Center na nagsisilbing covid-19 quarantine facility.

Ayon naman kay Vergeire, nakatakda na ring simulan ang pagkumpuni sa mga naitalang pinsala sa mga nasabing pasilidad.