Umalma naman ang ilang mga guro na nakatakdang magsilbi sa halalan sa darating na Mayo 9 hinggil sa 20% na buwis na ipapataw sa kanilang honoraria.
Ito ay matapos na manindigan ang Department of Finance (DOF) at Bureau of Internal Revenue (BIR) na tutulan ang panukalang tax exemption sa honoraria at allowance ng mga guro na magseserbisyo sa mismong araw ng eleksyon.
Bukod dito ay ikinabigla ng grupong Alliance of Concerned Teachers (ACT) ang naging pahayag din ng Department of Education (DepEd) na susundin na lamang nito kung ano ang ipapatupad ng dalawang ahesnya sa kadahilanang ito talaga ang nasa posisyon na magkomento hinggil sa usapin na ito.
Bagay na ikinalungkot ng mga miyembro ng nasabing grupo dahil mismong ang ahensya pa raw para sa mga guro ang hindi ipinaglaban ang naturang panukalang tax exemption.
Tila binawi lang din daw kasi sa mga guro na magsisilbi sa halalan ang increase na ibinigay sa kanilang honoraria at allowance kung papatawan lang naman din daw ito ng 20% na buwis.
Malaking alalahanin din daw sa mga ito ang mag-duty ngayon dahil sa pandemya at sa pangamba na mahawahan sila ng COVID-19 sa mga voting centers.
Samantala, magugunita na una nang ipinahayag ng DepEd na nasa 600,000 na mga guro at non-teaching personnela ng magseserbisyo para sa mismong araw ng halalan kung saan ay makakatanggap ng P7,000 na honorarium ang mga electoral chairperson habang P6,000 naman sa electoral board, P5,000 naman ang matatanggap ng mga support staff at medical personnel.
Mayroon ding dagdag na P1,500 na communication allowance ang mga electoral chairperson at technical support staff, at P500 naman para sa COVID-10 allowance.