-- Advertisements --

Pinababawi ng ilang opisyal ng gobyerno sa Korte Suprema ang temporary protection order na iginawad nito para sa mga aktibistang sina Jhed Tamano at Jonila Castro.

Magugunitang sina Tamano at Castro ay kapwa mga environment activists na nahaharap ngayon sa kasong grave oral defamation.

Ito nga ay may kaugnayan sa una nang napaulat na pagsuko ng dalawa sa kasundaluhan ngunit bigla namang pagbaliktad sa militar sa kanilang pagharap sa media sa inorganisang press conference ng National Task Force to End Local Communist and Armed Conflict kung saan inakusahan pa nila ang militar na pandurukot, pananakit, at pananakot umano sa kanila.

Sa pamamagitan ng Office of the Solicitor General ay naghain ng apela ang mga petitioners sa Korte Suprema na i-recall ang protection order na ito nina Tamano at Castro.

Kabilang sa naturang mga petitioners sina PLTCOL Ronnel Dela Cruz, iba pang miyembro ng 70th Infantry Battalion ng Philippine Army, Police Captain Carlito Buco, mga miyembro ng PNP Bataan, National Security Council Assistant Director General Jonathan Malaya, at gayundin ang NTF-ELCAC.

Dahil kasi anila sa temporary protection order na kanilang pagsisilbi ng warrant of arrest laban sa dalawa sapagkat sa bisa ng nasabing order ay pinagbabawalan ang mga petitioners na pumasok sa looB ng one kilometer radius ng mga tao, tahanan, paaralan, trabaho, o saan mang lokasyon nina Tomano at Castro o immediate families nito.

Kung maaalala, una nang ipinag-utos ng Doña Remedios Trinidad Municipal Trial Court ang pag-aresto sa 2 anti-Manila Bay reclamation activists na sina Jonila Castro at Jhed Tamano kaugnayan sa kasong grave oral defamation na inihain laban sa kanila ng Department of Justice (DOJ) dahil sa paratang ng 2 na dinukot umano sila ng militar.

Ang naturang warrant ay may petsang Pebrero 2, 2024 at inisyu ni Presiding Judge Jonna Veridiano at inihain naman ng DOJ ang naturang impormasyon noong Pebrero 1, 2024 kung saan nakasaad naman dito na kusa, labag sa batas at marahas na paninirang-puri ang ginawa nina Castro at Tamano laban sa Armed Forces of the Philippines matapos paratangang dinukot sila ng militar.

Samantala, itinakda naman ang piyansag P18,000 bawat isa para kina Castro at Tamano.