Nagpaabot ng pakikiramay ang ilang embahada mula ibang bansa sa mga biktima ng landslide sa bayan ng Maco sa Davao de Oro noong Pebrero 6 na kumitil na ng 98 katao.
Sa isang statement, nagpahayag ng sinserong pakikidalamhati ang Ministry of Foreign Affairs sa United Arab Emirates sa gobyerno ng Pilipinas at sa mamamayan nito at sa mga pamilya ng mga biktima gayundin para sa mabilis na pagrekober ng lahat ng mga nasugatan.
Nauna na ring nagpaabot ng mensahe ng pakikisimpatiya ang Embahada ng Republic of Turkiye at umaasang matagpuan ang nalalabi pang nawawala mula sa landslide.
Sinabi din ng Turkiye na nakahanda silang tulungan ang mga Pilipino sa anumang paraan sa abot ng makakaya nito.
Samantala, sa matagal na kaalyado naman ng PH na Amerika, nangako ang gobyerno nito na magbibigay ng P70 million humanitarian aid para sa mga komunidad na nasalanta ng naturang kalamidad sa Mindanao.
Batay sa pinakahuling datos mula sa lokal na pamahalaan ng Maco, bumaba na sa 9 katao ang nawawala dahil sa landslide. (With reports from Bombo Everly Rico)