Nakatakdang makaranas ng hanggang 16 na oras ng pagkaantala simula ngayong araw, Agosto 14 ang ilang customers ng Maynilad Water Services Inc. dahil ang concessionaire ay magsasagawa ng network maintenance activities sa kanilang service area.
Sa isang advisory, sinabi ng Maynilad na ang nakatakdang maintenance activities ay magsisimula sa Lunes, Agosto 14, 2023, hanggang sa susunod na Martes, Agosto 22, 2023.
Ang mga aktibidad na ito aniya ay ginagawa bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap ng kumpanya na mapabuti ang mga serbisyo ng tubig sa West Zone.
Hinihikayat naman ng naturang kumpanya ang mga apektadong customer na mag-imbak ng sapat na tubig para sa mararanasang pagkaantala ng serbisyo ng tubig.
Dagdag pa, may mga water tanker naman ang Maynilad na naka-standby na handang maghatid ng tubig sa mga apektadong lugar kung kinakailangan.
Narito ang listahan ng mga apektadong lugar:
Ilang barangay sa Bacoor, Cavite; Imus, Cavite; Binondo, Manila; Caloocan City; Las Pinas City; Muntinlupa City; Quezon City; Sampaloc, Manila; at Sta. Cruz, Manila.
Layon naman ng kumpanya na magbigay ng walang patid na serbisyo ng tubig na may normal pressure sa 88% ng mga customer nito sa pagtatapos ng 2023, at sa lahat ng customer nito sa 2027.
Ang concessionaire noong Pebrero ay nag-ulat din ng hindi bababa sa 57 oras ng pagkagambala sa serbisyo ng tubig dahil sa isang malaking pagtagas sa pangunahing linya nito sa Makati.
Ang Maynilad ay kasalukuyang nagsisilbi sa mga customer sa west zone, na sumasaklaw sa mga lungsod ng Caloocan, Las Piñas, Makati, Malabon Manila, Muntinlupa, Navotas, Parañaque, Pasay, Quezon, Valenzuela. Nagbibigay din ito sa ilang mga lugar sa Cavite tulad ng mga lungsod ng Bacoor, Cavite, at Imus; at ang mga bayan ng Kawit, Noveleta, at Rosario.