-- Advertisements --

Ibinunyag ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na nadiskubreng tinapyasan ang ilang burol sa may Chocolate hills protected area sa lalawigan ng Bohol para pagtayuan ng kontrobersiyal na Captain’s Peak resort.

Ginawa ni DENR secretary Maria Antonia Yulo-Loyzaga ang naturang pahayag matapos personal na bisitahin ang resort sa lalawigan kahapon sa gitan ng isinasagawang imbestigasyon sa naturang resort.

Malinaw aniya ang paglabag ng pamunuan ng naturang resort dahil hindi aniya maaaring galawin ang mga burol dahil mayroong proseso sa pag-develop sa protected areas.

Ang Chocolate hills kasi ay isang UNESCO WorldHeritage Site at isang protected area sa ilalim ng Proclamation No. 1037 Series of 1997 at National Integrated Protected Areas System (NIPAS) Act of 1992.

Una ng pinasara ang pinatayong resort sa naturang protected area matapos isyuhan ng cease and desist order ng DENR dahil sa pagooperate ng walang environmental clearance certificate (ECC).