Pansamantalang suspendido ang ilang mga biyahe sa dagat sa ilang mga probinsiya bilang paghahanda sa pananalasa ng Super Typhhon Mawar na inaasahang papasok sa Philippine area of responsibility nitong gabi ng Biyernes o umaga ng Sabado.
Paliwanag ng Philippine Ports Authority (PPA) na ang naturang hakbang ay para bigyang daan ang gagawing preventive maintenance sa ilang barko at preparasyon habang papalapit sa PAR ang bagyo.
Sa kasalukuyan, sinuspendi na ang byahe ng Seacat One ng Grand Ferries mula Cebu City patungong Calbayog ng alas-2 ng hapon bukas, ika-27 ng Mayo at mula Calbayog City patungong Cebu City ng alas-8 ng gabi sa araw ng Linggo, Mayo 28.
Gayundin ang byahe ng LCT Poseidon 17 at LCT Poseidon 35 ng ALD Sea Transport mula Padre Burgos, Southern Leyte patungong Lipata, Surigao simula kaninang tanghali, Mayo 26.
Kayat hinihimok ng PPA ang mga pasahero na makipag-ugnayan sa mga shipping lines kaugnay sa kanilang scheduled na biyahe.
Inaasahang magdadala ng matinding pag-ulan ang bagyo na tatawaging Betty sa oras na pumasok sa PAR partikular sa Northern Luzon at sa ilang parte ng Luzon at Visayas sa araw ng Linggo, Mayo 28.