Inirekominda ni Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor sa ABS-CBN na gamitin ang halaga ng buwis na umano’y tinakasan at hindi binayaran sa pamahalaan para tulungan ang 11,000 manggagawa.
Sa isang panayam, inamin ni Defensor ang implikasyon nang hindi paggawad ng Kamara ng prangkisa sa ABS-CBN pagdating sa mga empleyado nito.
Ayon kay Defensor, P3.2 billion ang halaga ng buwis na hindi binayaran ng kompanya, na maaring gamitin para matulungan ang libu-libong empleyado nito.
“If you really feel for the employees, you know there is so much money there. There are earnings where you can get from to help the employees while we’re trying to resolve everything, and not just to retrench them and take them out of the company,” ani Defensor.
Bagama’t naiintindihan niya ang sasapitin ng mga empleyado ng ABS-CBN, iginiit naman ni Defensor na hindi nila maaring palampasin ang mga sinasabing paglabag ng kompanya sa prangkisa nito.
Kabilang na aniya rito ang pagkakatukoy ng House committee on legislative franchises hinggil sa 30 percent Chinese investors ng ABS-CBN, na malinaw aniyang paglabag sa constitutional provision hinggil sa ownership at management ng mass media companies sa bansa.
Mababatid na sa botong 70-11, inaprubahan ng komite noong Biyernes, Hulyo 10, ang resolusyon ng binuong technical working group na nagrerekominda sa hindi paggawad ng prangkisa sa ABS-CBN.