Pinagbibintangan ng China ang ilang bansa na nagpapakalat umano ng maling impormasyon laban sa Chinese government.
Sinabi ito ng Beijing kasabay ng mas umiinit na girian sa kanila ng Estados Unidos.
Ayon kay Chinese foreign ministry spokeswoman Hua Chunying, napagkasunduan umano ng China at Russia na may mga bansang sinusubukan daw silang sirain sa pamamagitan ng pamumulitika sa COVID-19 pandemic.
Tila nilalason umano ng mga bansang ito ang opinyon ng publiko sa buong mundo at sinisira rin ang international cooperation para labanan ang deadly virus.
Magugunita na ipinag-utos ng Amerika at China ang pagpapasara ng konsulada ng isa’t isa na mas lalong nagpatindi sa namumuong tensyon sa pagitan ng magkabilang panig.
Sinabi ni US Secretary of State Mike Pompeo na ang desisyon ng US government para ipasara ang konsulada ng China sa Houston, Texas ay upang siguraduhin na walang kahit anong mahahalagang impormasyon na mananakaw ang Beijing.
Giit naman ni Chinese Foreign Ministry spokesman Wang Wenbin na ang naturang hakbang ng US ay base umano sa mga haka-haka ng mga anti-Chinese.