-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Paghihiganti umano ang naging dahilan kung bakit sinunog ng mga miyembro ng New People’s Army (NPA) ang apat na bahay at isang simbahan sa Zone 2, Limonda, Opol, Misamis Oriental kahapon.

Sinabi ni 403rd Brigade Philippine Army spokesperson Capt. Rene Belmonte na bago nangyari ang panununog, natalo sa bakbakan ang grupo ni alyas Decoy na Guerilla Front 12, Sub Regional Committee 5 (SRC5), North Central Mindanao Regional Committee (NCMRC) sa Mainit, Iligan City at napaatras.

Sinasabing ginawa ito ng rebeldeng NPA bilang diversionary tactic sa kanilang ginawang pagtakas.

Nasa 10 armadong grupo ang itinuturong suspek ng mga residente sa pagsunog sa bahay ng mga nagngangalang Edward Villiarias, Ronny Tingkang, Edmar Burlat, at Avilino Sambulay kabilang na ang isang tindahan.

Wala namang sibilyan ang namatay at sugatan sa nangyari at nagpapatuloy ang hot pursuit operation ng militar laban sa mga komunista.