-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Naidagdag sa bilang ng elected public officials sa Lanao del Sur ang isang alkalde at provincial board member na positibo na rin sa Coronavirus Disease (COVID).

Sa ipinalabas na pahayag ni Malabang Mayor Mohamad Macapodi, ibinunyag nito na naranasan niya ang ilang sintomas ng deadly virus.

Kabilang dito ang pagkawala ng pang-amoy at panlasa kaya napag-isipan nito na magpakonsulta sa doktor at isinailalim sa swab test kung saan siya ay nakakuha ng COVID positive result.

Samantala, boluntaryo ring sumailalim sa swab test ang provincial board member na si Allan Panolong sa Amai Pakpak Medical Center-Marawi City matapos siyang ma-expose sa pasyente na nagpositibo sa virus.

Nilinaw naman ng dalawang opisyal na kahit nasa loob sila ng isolation facility ay magpapatuloy pa rin ang kanilang trabaho lalo na ang pagmonitor sa kaso ng COVID sa kanilang nasasakupan.

Una nang nagpositibo coronavirus si Lanao del Sur Governor Mamintal Adiong, Jr. kung kaya’t pansamantalang isinara ang provincial capitol.