-- Advertisements --

Dumating na sa bansa ang ikatlong 8-car Electric Multiple Unit trainset na nanggaling pa sa Japan para sa North-South Commuter Railway Malolos-Tutuban segment ngayong araw, Agosto 25.

Kasalukuyan itong sumasailalim sa importation process ng Bureau of Customs (BOC) at nakatakdang dalhin sa Malanday Depot sa Valenzuela City.

Inihayag ni Transportation Secretary Banoy Lopez na on track ang konstruksyon ng 147-kilometrong NSCR system na may 35 istasyon na magdurugtong sa Central Luzon, Metro Manila, at Calabarzon upang mapabilis ang biyahe ng mga komyuter.

Tiniyak ng ahensya na dumaan sa masusing inspeksyon ang mga trainset at ang kalidad ng mga ito upang masigurong ligtas at maayos itong magagamit ng mga maseserbisyuhan nito.

Target ng Department of Transportation (DOTr) na masimulan ang partial operations ng NSCR para sa rutang Valenzuela hanggang Malolos, Bulacan sa 4th quarter ng 2027.

Tinatayang 800,000 pasahero ang maseserbisyuhan ng North-South Commuter Railway (NSCR) kada araw kapag naging ganap na operational na ang buong sistema nito.

Mapapaikli rin ng proyekto ang oras ng biyahe mula Clark, Pampanga hanggang Calamba, Laguna sa dalawang oras mula sa kasalukuyang apat na oras na byahe. (report by Bombo Cindy Grayda)