-- Advertisements --

Nagpapatuloy ang kauna-unahang Multilateral Maritime Exercises ng Pilipinas, Amerika, at France sa bahagi ng West Philippine Sea na magtatagal sa loob ng limang araw.

Bahagi pa rin ito ng ika-39 na iteration ng Balikatan Exercises 2024 sa pagitan ng Pilipina at Estados Unidos.

Sa ulat, kahapon magkakahiwalay na umalis mula sa Puerto Princesa, Palawan ang mga barko ng PH Navy na BRP Ramon Alcaraz at BRP Davao Del Sur, kasama ang FS Vendemiaire ng French Navy, at ang USS Harpers Ferry ng United States Navy.

Ang mga ito ay sabayang maglalayag sa silangang bahagi ng Palawan patungo sa hilagang direksyon sa Mindoro Strait hanggang sa makarating sa West Philippine Sea.

Kung saan inaasahang magkakasa ang mga ito ng iba’t-ibang drills tulad ng gunnery exercises, maritime search and rescue, at marami pang iba.

Layon nito na mas patatagin pa ang Air at sea defense ng naturang mga bansa bilang paghahanda sa anumang uri ng banta na maaring umusbong anumang oras.

Kung maalala, una nang iniulat ng Philippine Navy na nakapag monitor ito ng pagdami sa bilang ng mga barko ng China sa WPS kasabay ng opisyal na pagsisimula ng Balikatan Exercises 2024.

Gayunpaman ay sinabi nito na umaasa sila na mananahimik ang China at hindi ito gagawa ng anumang aktibidad na maaaring makagambala sa ginagawang pagsasanay ng Pilipinas kasama ang mga kaalyado nating bansa.