Kinumpirma ni Department of Foreign Affairs Secretary Enrique Manalo na nadagdagan pa ang bilang ng mga Pilipinong nasawi sa nagaganap na digmaan ngayon sa Israel.
Inanunsyo ng kalihim ang malungkot na balitang mayroon pang isang Pinoy ang kanilang naitalang nasawi sa gitna ng nagpapatuloy sigalot sa pagitan ng Israeli Defense Forces at militanteng grupong Hamas.
Sa ngayon ay hindi muna nagbigay ng anumang dagdag na detalye ang opisyal ukol dito bilang pagrespeto na rin sa kahilingan ng naulilang pamilya nito.
Ngunit gayunpaman ay tiniyak niya ang buong suporta at tulong na ipapaabot ng pamahalaan para sa naiwang pamilya ng naturang biktima.
Samantala, sa ngayon ay puspusan naman ang ginagawang mga hakbang ng gobyerno sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa mga kinauukulan para sa pag-uwe ng iba pa nating mga kababayang naipit sa nasabing digmaan.