LAOAG CITY – Inilarawan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang ika-105 kaarawan ng kanyang yumaong ama na si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. bilang “rebirth” sa Pilipinas.
Pahayag ito ni Pangulong Marcos sa kanyang talumpati sa isinagawang seremonya sa harap mismo ng monument ng kanyang ama sa lungsod ng Batac dito sa lalawigan ng Ilocos Norte.
Ayon sa pangulo, matapos ang mahabang panahon kung saan nanatili ang paniniwala ng mga supporters ng kanyang ama sa kanyang mga nagawa at hangad na makamit para sa bansa ay parang nanumbalik ang mga dating pag-uugali, pagmamahal sa serbisyo at pagiging tapat na siyang nakikita nito na nawala sa mga nagdaang taon.
Dagdag niya na lahat ng nagawa ng kanyang ama ay maituturing na marangal.
Sinabi pa ni Pangulong Marcos na napakahalaga ang isinagawang selebrasyon sa kaarawan ng kanyang ama sapagkat nabuksan muli ang ga oportunidad para sa lahat ng mga Pilipino.
Ipinagmalaki ng pangulo na ito na ang simula ng pagbabalik ng mga magagandang serbisyo, pagiging magalang at mapagmahal na siyang napakahalagang itinuro ng dating Pangulong Marcos.
Sa selebrasyon ng ika-105 kaarawan ng dating pangulo ay dumalo lahat ng miyembro ng pamilya sa pangunguna ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. at lahat ng opisyales sa lalawigan.
Hinggil dito, maliban sa isinagawang misa, may ilan ding aktibidad bilang bahagi ng selebrasyon sa kaarawan ng dating pangulo gaya ng Natnateng Cooking Showdown, Job Fair sa Robinsons Place Ilocos, BBM Cup sa Suba Firing Range, Opening of Museo Ilocos Norte at Tabacalera, Awarding of Literary & Musical Competition at iba pa.