Tukoy na ng mga otoridad sa Isabela City, Basilan ang pagkakakilanlan ng suspek na nasa likod ng pambobomba nuong Lunes.
Ayon kay PNP PRO-9 spokesperson PMajor Shellamie Chang, mayroon nang lumutang na testigo na nagbigay ng pagkakakilanlan sa suspek.
Batay sa deskripsyon, medium built ang katawan ng isang lalaki na may 5’3 hanggang 5’4 ang taas na nag-iwan ng bomba sa Bus ng D’Biel Transportation Company.
Ang suspected bomber ay nakasuot ng pulang tshirt, maong pantalon at itim na sumbrero.
Sinabi ni Major Chang, sumakay ang suspek sa Lamitan, Basilan bitbit ang kahon at bumaba sa Isabela City, ngunit hindi na aniya nito binitbit ang naturang bagahe.
Habang kuha naman sa CCTV ang ikalawang suspek na nag-iwan ng IED sa parking lot ng isang fastfood chain sa mismong Isabela proper, ang suspek ay naka suot ng yellow tshirt, maong pants at puting sumbrero.
Sa ngayon naglunsad na ng manhunt operations ang PNP kasama ang AFP laban sa mga suspek ng sa gayon mapanagot ang mga ito sa kanilang ginawang insidente.
Minobilize na ng PNP at AFP ang lahat ng kanilang resources para sa pag-aresto sa mga suspek at para masampahan ng kaukulang kaso.
Samantala, nagbabala naman ang pamunuan ng PNP sa mga police commanders na hindi kayang protektahan ang kanilang mga areas of responsibility (AOR).
Sinabi ni PNP Directorate for Operations (DO) PMGen. Val De Leon, na hindi mag-aatubili ang PNP leadership sa pangunguna ni PNP OIC Chief PLt. Gen. Vic Danao na sibakin sa pwesto ang mga commanders na hindi ginagawa ang kanilang trabaho.
Matatandaan na nuong nagkaroon ng pagsabog sa Koronadal at Tacurong City agad na naglabas ng direktiba ang PNP leadership na paigtingin at palakasin ang security measures lalo na sa mga lugar na kilalang may mga presensiya ng local terrorist group.