Nagpapasaklolo na rin sa gobyerno ng Amerika ang sikat na kompaniyang Brooks Brothers matapos na maghain ng Chapter 11 sa US Bankruptcy Court sa District of Delaware.
Ang retailer ay tinaguriang iconic American brand na itinatag noon pang taong 1818.
Sumikat ito ng husto sa paggawa ng mga suits at mga classic na pananamit.
Ang pagkalugi ng kompaniya ay bunsod na rin ng nararanasang COVID pandemic at pag-iba na ng panlasa ng maraming kustomer na mas nagugustuhan ang mga casual apparel at pagbili na lamang sa mga online.
Ang Brooks Brothers ay pag-aari ni Claudio Del Vecchio, isang Italian industrialist na dinala ang brand sa US noong taong 2001.
Samantala sa statement ng Brooks Brothers sinabi nito na ang kahilingan na dagdag financing ay upang mapabilis ang pagbebenta nila sa bagong may-ari sa mga susunod na buwan.
Kinumpirma ng pinakamatandang apparel brand sa US na nagdesisyon silang isara rin ang 51 mga branch mula sa 250 na mga lokasyon sa North America.
Bago ito sinabi na rin ng Brooks Brothers noong unang bahagi ng taong ito AY isasara na rin nila ang tatlong factories sa US na kinabibilangan ng New York City; Haverhill, Massachusetts; at Garland, North Carolina.
Ang bankruptcy issue sa Brooks Brothers ay ang latest high-profile retail company na nalugi dahil sa pandemic.
Mula noong buwan ng Mayo, ilan pa sa malalaking kompaniya na nagdeklara rin nang pagkabangkarote ay tulad ng J.C. Penney, Neiman Marcus, J.Crew at marami pang iba.