Pinayagan ng International Criminal Court (ICC) na palawigin pa ang araw ng pagdalaw kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa Sceveningen Prison sa The Hague, Netherlands.
Sa pagbisita kasi ni Vice President Sara Duterte kasama ang kaniyang ina at dating asawa ni dating Pangulong Duterte na si Elizabeth Zimmerman, sa loob lang ng isang oras at 30 minuto nila nabisita ang dating pangulo noong araw ng Martes. Ayon kay VP Sara, ito ang ikalawang pagbisita sa loob ng isang linggo.
Susunod naman na nakatakdang dumalaw ang kaniyang kapatid at Davao City Rep. Paolo Duterte at kaniyang pamilya at ang common-law wife ng dating Pangulo na si Honeylet Avanceña.
Sa pakikipag-usap ng BIse Presidente sa mga Duterte supporters na nasa labas ng detention facility sa The Hague, inihayag ng Ikalawang Pangulo na nagpapasalamat sila sa pagpayag ng ICC sa kanilang request na dagdagan ang araw ng kanilang pagdalaw sa dating pangulo na dating pinapayagan aniya tuwing araw ng Martes, Miyerkules at Biyernes lamang.
Base sa rules, tanging ang mga miyembro ng pamilya at mga abogado ang maaaring bumisita sa dating Pangulo sa detention facility ng ICC.