-- Advertisements --

Inilantad ni Davao City 1st District Rep. Paolo Duterte na may umano’y inilabas na arrest warrants ang International Criminal Court (ICC) laban kay Senator Bong Go at dalawang dating pulis.

Ayon kay Duterte, galing umano sa isang “highly reliable source” ang impormasyon niya, ngunit wala pa itong opisyal na kumpirmasyon mula sa ICC.

Dahil dito kinuwestyon ng mambabatas ang sinasabing paggamit sa ICC bilang “political weapon” laban sa mga kalaban ng administrasyon sa pulitika.

“Wala na ba talagang katapusan ang administrasyong ito sa paggamit ng ICC bilang political weapon laban sa kanilang mga kalaban?” ani Duterte.

Matatandaang una nang sinabi ni dating Senator Antonio Trillanes IV na posibleng target ng ICC si Go bilang umano’y “co-perpetrators” ni dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng madugong ‘war on drugs.’

Kinilala rin si Go bilang dating nagsilbing Special Assistant to the President ni Duterte.

Samantala pinabulaanan naman ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at ng Philippine National Police (PNP) ang pahayag ni Pulong, na parehong nagsabing wala silang natatanggap na pormal na impormasyon o dokumento tungkol sa sinasabing ICC warrants.

“Just talked to SoJ, neither of us has received any formal notice,” ani DILG Secretary Jonvic Remulla.

“The Philippine National Police has not received any official communication or documentation regarding the alleged issuance of ICC warrants. What we can say with certainty is that the PNP has always been and will remain an institution that respects and upholds the rule of law,” pahayag ng PNP.

Dagdag pa ng PNP, kung sakaling may legal na utos mula sa tamang awtoridad at dumaan sa wastong proseso, handa silang ipatupad ito alinsunod sa batas.