-- Advertisements --

GENERAL SANTOS CITY – Malaki ang pasasalamat ni IBO world champion Dave “Dobermann” Apolinario sa mainit na pagtanggap sa kanya ng mamamayan sa pagdating nito sa General Santos City kaninang umaga bilang bahagi ng ibigay sa kanya na Heroes welcome.

Mula sa GenSan Airport ay dumiretso ito sa City Hall ng lungsod kung saan game itong nagpakuha ng litrato sa kanyang mga fans.

Sa presscon, isinalaysay nito ang naging karanasan bago pa ang laban kay Gideon Buthelezi East London, South Africa.

Ayon rito, naiwan sa Johannesburg, ang pinakadakong siyudad sa South Africa, ang gagamitin sana nitong boxing short, fighting shoes at ilang gamit para sa laban.

Kinabukasan bago ang weigh-in ay nakahanap ng paraan ang kanyang manager na si Jessie Manaquil ng Sanman Promotions matapos na silay tulungan ng kapwa mga Pinoy doon.

Inamin naman ni Apolinario na sa mismong fight ay hindi pa nawawala ang matinding pagod at jetlog sanhi ng mahabang biyahe patungong South Africa.

Maliban sa konting naramdamang kaba, masakit din ang kanyang tiyan sa kasagsagan mismo ng laban ngunit kanya itong binalewala.

Samantala, sinariwa naman ng Filipino boxer ang kanyang karanasan ng ito’y mag-courtesy call kay Pres. Ferdinand Marcos Jr.

Hindi aniya nito malilimutan noong sandaling bumulong ang pangulo ng bansa sa kanya at sinabing maganda ang salubong sa kanyang administrasyon dahil sa pagkakapanalo nito sa laban nagbigay ng karangalan sa bansa.

Matatandaang tinalo ni Apolinario si Buthelezi ng South Africa via knockout dahilan upang makuha nito ang titulo, bilang bagong IBO world champion.

Nabatid na niregaluhan naman ng pangulo ng commemorative token ang boksingero habang may pirmang gloves naman ang ibinigay nito.

Si Apolinario ay may record na 17 panalo, walang talo at 12 dito ay pawang knockout.