Isa na namang malaking pagbabago sa sports ang ipinatupad matapos ianunsyo ng U.S. Olympic and Paralympic Committee (USOPC) ang pagsunod nito sa kautusan ni U.S. President Donald Trump na nagbabawal sa transgender women na makilahok sa women’s sports.
Ayon sa USOPC, obligasyon nilang sumunod upang hindi mawalan ng pondo ang mga kasaping organisasyon.
Saklaw ng USOPC ang halos 50 pambansang sports organizations, kaya inaasahang pati mga lokal na sports club ay maaaring mapilitang baguhin ang kanilang mga alituntunin upang mapanatili ang kanilang membership.
Kabilang ang USOPC sa lumalawak na listahan ng mga pandaigdigang sports bodies na nagpatupad ng mahigpit na patakaran ngayong taon:
World Cycling: Ipinagbawal ang transgender women na nag-transition matapos ang male puberty mula sa paglahok sa women’s races, kasunod ng tagumpay ng American rider na si Austin Killips.
University of Pennsylvania: Binawi ang tatlong school records na naitala ni Lia Thomas, isang transgender swimmer, bilang bahagi ng kasunduan upang tapusin ang isang federal investigation.
World Aquatics (dating FINA): Naglabas ng patakarang naglilimita ng partisipasyon sa mga transgender na nag-transition bago mag-edad 12. Plano ring lumikha ng “open competition” category.
World Boxing: Inatasan ang lahat ng atleta na sumailalim sa mandatory sex testing. Binanggit ang kaso ni Imane Khelif, Olympic gold medalist mula Algeria, na idinadawit sa eligibility controversies.
U.K. Sports: Bawal na rin ang transgender women sa women’s teams sa football at cricket sa England at Scotland, ayon sa bagong patakaran kasunod ng desisyon ng U.K. Supreme Court.
World Athletics (Track and Field): Simula Marso, ipinagbawal ang transgender women na dumaan sa male puberty mula sa pagsali sa international competitions. Apektado rin ang mga atleta na may differences in sex development (DSD), gaya ni Caster Semenya, isang two-time Olympic champion, na matagal nang nililimitahan sa kanyang event.
Habang tumitindi ang debate tungkol sa inclusion at fairness sa sports, nagpapatuloy ang mga kaso sa korte at panawagan para sa mas balanseng patakaran na kinikilala ang karapatan ng lahat ng atleta.