Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nasa maayos na kalagayan ang kanyang mental well-being sa kabila ng bigat ng tungkuling kaakibat ng pagkapangulo.
Ayon sa Punong Ehekutibo nakatulong ang matagal na pag-obserba niya sa kaniyang ama niyang si dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. upang maunawaan ang sakripisyong kaakibat ng posisyon.
Inihayag ng Pangulo na mahalaga ang pagpapahinga, kahit ilang oras lamang, upang manatiling malinaw at epektibo ang pag-iisip.
Karaniwan umano niyang ginagawa ang pag-eehersisyo bilang paraan ng stress relief.
Ibinunyag din ng Pangulo na hindi siya natataranta kapag may malaking problemang kinakaharap.
Binigyang-diin ng Pangulong MArcos na ang nagpapatuloy na motibasyon sa kanyang pamumuno ay ang hangaring makapaglingkod, at hindi personal na interes.
Nang tanungin kung naisip niyang mabuhay sa ibang uri ng pamilya, mabilis niyang tugon na hindi niya nanaising ipanganak sa iba, at itinuring ang sarili bilang “pinakasuwerteng tao” dahil sa kanyang mga magulang at sa mga karanasang humubog sa kanya.
Bagaman inamin niyang noong kabataan ay ayaw niyang pumasok sa pulitika dahil sa hirap na nasaksihan niya sa buhay ng kanyang mga magulang, kalaunan ay tinanggap niya ang landas ng paglilingkod publiko.
















