Inihayag ng Office of the Civil Defense (OCD) na nadadagdagan pa ang bilang ng mga ahensya at lokal na pamahalaan sa ating bansa na nagnanais din na magpaabot ng tulong sa Turkey na niyanig ng malakas na magnitude 7.8 na lindol.
Ito ay may kaugnayan pa rin sa ipinadalang search and rescue team ng Pilipinas sa nasabing bansa bilang tugon ng ating pamahalaan sa paghingi ng tulong ng Embahada ng Turkey sa Maynila na magpadala ng dagdag na disaster assistance para sa mga biktima ng nasabing lindol.
Ayon kay OCD Spokesperson, Asec. Bernardo Rafaelito Alejandro IV, kabilang sa mga nagpahayag ng kahandaang tumulong sa search and rescue mission sa Turkey ay ang disaster risk reduction and management office ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), at gayundin ang mga lokal na pamahalaan ng lungsod ng Pasig, at Davao.
Aniya sa ngayon ay naghihintay na lamang daw sila sa magiging pasya ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. kung magpapadala pa ang ating bansa ng dagdag na mga tauhan para tumulong sa search, rescue, and medical mission ng inter-agency Philippine contingents na una nang nai-deploy doon.
Bukod dito ay sinabi rin ng opisyal na nagpahayad din ng kahandaang tumulong ang Philippine National Police at Bureau of Fire Protection para sa pagpapaabot ng disaster response sa mga naapektuhan ng magnitude 7.8 na lindol sa Turkey.
Kung maaalala, una nang sinabi ng OCD na pinag-aaralan pa nito ang pagpapadala pa ng ikalawang batch ng mga rescuers sa nasabing bansa sakaling kailanganin pang ma-extend ang kasalukuyang search and rescue mission doon.