Patuloy pang nababawasan ang bilang ng mga miyembro ng Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban).
Ito ay kasunod ng muling pag-alis ng mga miyembro nito at umanib sa Lakas Christian-Muslim Democrats (Lakas-CMD).
Pinakahuling umalis sa PDP Laban at umanib sa Lakas-CMD ay sina Cong. Divine Grace Yu ng Zamboanga del Sur at Mohamad Khalid Q. Dimaporo ng Lanao del Norte. Kasama ng mga ito ang 18 alkalde mula sa Zamboanga del Sur.
Maalalang dalawang linggo bago nito ay lumipat din ang iba pang mga kongresista sa Lakas-CMD mula sa PDP-Laban na dati nilang kinaaaniban.
Una nang sinabi ng pamunuan ng PDP-Laban na ikinagalit ng maraming miyembro nito ang naging pasaring ni dating PRRD sa Kamara de Representantes.
Mula noon ay sunod-sunod na ring nagsialisan ang mga miembro ng mababang kapulungan na dating bahagi ng PDP-Laban at lumipat sa partido ni House Speaker Martin Romualdez.