Mariing pinabulaanan ng ilang opisyal ng pamahalaan ang kumakalat na balita na ilalagay sa ilalim ng enhanced community quarantine (ECQ) gaya ng National Capital Region (NCR) ang Calabarzon o Region 4-A.
Sa pagdinig ng House Committee on Health, sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na mayroong rekomendasyon para ilagay ang Calabarzon sa ECQ pero wala pang desisyon dito ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF).
Bukas, sa pulong ng IATF, saka pa lamang malalaman kung ano ang kapalaran ng Calabarzon pagdating sa kanilang quarantine restrictions, ayon kay Duque.
Maari aniyang buong Calabarzon, o ilang piling lugar lamang aniya ang ilagay sa ECQ o posible ring hindi ito mangyari.
Ang lahat ay dipende pa rin aniya sa mga datos at projections na malilikom hanggang bukas.
Sa isang televised briefing, sinabi rin ni NTF deputy chief implementer and testing czar Vince Dizon na desisyon sa kasalukuyan hinggil sa reimposition ng pinakamahigpita na quarantine classification sa Calabarzon.
Base sa announcements ng IATF kamakailan, tanging ang Metro Manila lamang ang ilalagay sa ECQ mula Agosto 6 hanggang 20, 2021.