-- Advertisements --

Hinimok nina dating Speaker Taguig-Pateros Rep. Alan Peter Cayetano atg kanyang mga kaalyado sa Kamara ang IATF na bigyan ng booster shots ang mga health workers pati na rin ang mga immunocompromised sa harap ng patuloy na pagdami ng COVID-19 patients sa bansa.

Sa House Resolution na inihain ni Cayetano kasama ang limang kaalyado nito sa Kamara, kanilang sinabi na “moral imperative” at “practical necessity” para maiwasan ang pag-collapse ng healthcare system sa pamamagitan nang pagbibigay ng COVID-19 booster shots sa mga maituturing na “most vulnerable” sa respiratory disease na ito.

Mahalaga anila na mabigyan ng sapat na proteksyon ang mga health workers upang sa gayon ay mas maalagaan ang mga COVID-19 at non-COVID-19 patients lalo pa ngayon na punuan na ang mga ospital sa bansa.

Iginiit nila na hindi na kakayanin pa kung mabawasan pa ang health manpower sa oras na tamaan ang mga healthcare workers ng virus.

Sa ngayon, suportado ni Dr. Rontgene Solante ng Vaccine Expert Panel ang pagbibigay ng COVID-19 vaccine booster doses sa mga healthcare workers.