-- Advertisements --

Kinatigan ng Supreme Court (SC) Second Division ang pagsuspinde ng Office of the Court Administrator sa isang regional trial court (RTC) judge sa General Santos City dahil sa paglalabas noon ng temporary restraining order (TRO) na pumapabor sa Kapa Community Ministry International Inc.

Ang nasabing kontrobersyal na TRO ay inilabas ni Presiding Judge Oscar Noel Jr. ng RTC Branch 35.

Batay sa 11-pahinang desisyon na isinulat ni Associate Justice Antonio Kho Jr., na pinagtibay ang mga miyembro ng dibisyon, napatunayan umano nagkasala ng matinding kamangmangan sa batas ang huwes kaya ito sinuspinde ng dalawang taon at walang anumang matatanggap na bayad.

Ang Office of the Court Administrator, sa isang ulat na may petsang Agosto 11, 2020, ay naglabas ng findings na nagsasaad na nagkasala si Noel sa paratang laban sa kanya at inirekomenda ang kanyang pagsuspinde sa serbisyo sa loob ng apat na buwan.

Ang rekomendasyon ng OCA ng apat na buwang pagsususpinde ay binago sa dalawang taon, dahil ito ang ikatlong pagkakataon na napatunayan ang hukom nakagawa ng gross ignorance of the law.

Sinasabing ang TRO na inisyu ng hukom ang naging daan para marami pang mabiktima ang KAPA sa kanilang investment scam.

Ang namumuno sa KAPA na si Pastor Joel Apolinario ay nauna na ring nahatulan ng habambuhay na pagkakakulong dahil sa investment scam na sinasabing pumalo sa P50 billion ang nakulimbat.

Naniniwala ang mga otoridad na ang nasabing development ay nagpapatunay sa mga naunang pagbubunyag ng Bombo Radyo Gensan na scam nga ang KAPA.