-- Advertisements --

Pinapaimbestigahan ni House Committee on Human Rights chairman Jesus “Bong” Suntay sa Kamara ang mga human rights violations na naitala sa kasagsagan ng enhanced community quarantine at general community quarantine.

Sinabi ito ni Suntay sa virtual teleconference ng House Defeat COVID-19 Committee (DCC) Sub-committee on Peace and Order technical working group nitong umaga.

Kamakailan lang ay binawian ng buhay si Corporal Winston Ragos matapos barilin ni Police Master Sergeant Daniel Florendo dahil sa paglabag umano nito sa umiiral na quarantine protocols.

Ayon kay Suntay, sinusubok ng sitwasyon ngayon ang “balancing act” sa pagitan nang pagpapanatili ng peace and order at human rights.

Subalit kahit nahaharap sa public health crisis ang bansa, hindi naman ito nangangahulugan na maari nang isantabi ang mga karapatang pantao.

Binigyan diin ng kongresista na dapat hindi pinapahintulutan ang “excessive force” laban sa mga lumalabag sa quarantine protocols.

Kasabay nito, dapat na magkaroon din aniya nang transparency sa proseso at accountability sa mga otoridad na lumalabag sa karapatang pantao sa pagtupad ng kanilang tungkulin.