-- Advertisements --

ILOILO CITY – Sugatan ang secretary-general ng National Union of People’s Lawyers (NUPL)-Panay matapos saksain ng dalawang suspek gamit ang screwdriver sa General Luna St., Iloilo City Proper. 

Ang biktima ay kinilala na si Atty. Angelo Karlo Guillen. 

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Bryan Bosque, deputy spokesperson ng Bayan-Panay, sinabi nito na naglalakad si Guillen nang lapitan at sinaksak ng mga suspek na nakasuot ng facemask at sombrero na sakay sa motorsiklo.

Ayon kay Bosque, matagal nang biktima ng red-tagging si Guillen. 

Naniniwala si Bosque na politically motivated ang pagsaksak kay Guillen dahil sa serye ng harassment, panibagong red tagging at isinailim na rin sa surveillance ang biktima. 

Si Guillen ay kabilang sa Panay 42 na inaresto ng mga pulis noon dahil sa pagsagawa ng funeral protest kasunod nang pagpatay kay Bayan Muna Panay coordinator Jory Porquia noong Mayo 2020. 

Isa rin ito sa nagbibigay ng legal services sa mga residente na inaresto noong Disyembre 30 sa kontrobersyal na police/military operation sa Tapaz, Capiz kung saan patay ang siyam katao na tinuturong miyembro sang New People’s Army. 

Sa ngayon, conscious na ang biktima pero patuloy na nagpapagaling pa sa ospital.