Sinimulan na ang National Housing Authority (NHA) ang pagpapatayo ng mga pabahay para sa mga uniformed personnel na nakabase sa Mindanao.
Ang mga housing units ay itinatayo sa Zamboanga City, Zamboanga Peninsula Region.
Kabilang sa mga pangunahing makikinabang dito ay ang mga miyembro ng Philippine Army, PNP, Bureau of Fire Protection, Bureau of Jail Management and Penology, at Phil Coast Guard, para sa panig ng mga uniformed personnel.
Batay sa plano ng NHA, ang itatayong mga pasilidad ay bubuuin ng 28 buildings na pawang tatlong palapag ang taas.
Ito ay may kabuuang 336 housing units para sa mahigit 330 pamilya ng mga nasa unipormadong hanay.
Kasama rin sa ipapatayo ay ang kumpletong parking lot, material recovery facilities, parke, playground, covered court, police outpost, daycare center, at health center.
Ayon kay NHA General Manager Joeben Tai, ito ay bahagi ng pagnanais ng pamahalaan na makapagbigay ng mura at dekalidad na pabahay sa publiko, lalo na sa mga marginalized sector.
Samantala, maliban sa mga miyembro ng unipormadong hanay, bubuksan din ang mga naturang housing units sa mga OFWs at ilang informal sector.