Gagawing house-to-house ang COVID-19 (Coronavirus Disease 2019) vaccination sa Metro Manila sakali mang matuloy ang 14-day enhanced community quarantine (ECQ) sa National Capital Region (NCR).
Ayon sa Metro Manila Council (MMC) chairman at Parañaque City Mayor Edwin Olivarez, handa silang ipatupad ang ECQ kung ito ang magiging desisyon ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases.
Ang hinihingi lamang aniya nila sa ngayon ay mabigyan sila ng karagdagang supply ng COVID-19 vaccines para kapag natuloy ang ECQ sa Metro Manila ay makakapag-ikot sila sa mga bahay-bahay at hindi makaligtaan ang pagpabakuna.
Kailangan din aniya nila ng suporta mula sa national government para ma-augment ang kanilang pondo sakali mang magpatupad ng mas striktong restrictions.
Nauna nang sinabi ng Malacanang na hindi pa sila sigurado kung mayroon pang pondo ang pamahalaan para ibigay bilang monetary assistance kapag ilalagay ang Metro Manila sa ECQ.