-- Advertisements --

Kumpiyansa si House Ways and Means Committee Chairman at Albay Second District Representative Joey Salceda na huhupa rin ngayong buwan ang naitalang inflation rate o bilis ng pagtaas ng presyo ng mga produkto at serbisyo.

Reaksiyon ito ni Salceda matapos lumobo sa 6.1 percent ang inflation rate para sa buwan ng Setyembre mula sa 5.3 percent noong Agosto.

Ayon kay Salceda bukod sa ipinatupad na price ceiling sa bigas, sumirit din umano ang global oil prices sa katapusan ng Setyembre kaya inaasahang bababa ang inflation rate sa Oktubre.

” The September inflation figure isa due almost entirely to rice price spikes and the global oil price spikes,” wika ni Salceda.

Sinabi ni Salceda kung tutuusin ay mas mababa ito sa naunang pagtaya na 6.2 percent na kanyang ibinahagi sa fund managers gamit ang “modelling” noong dekada 90.

” In other words, this is probably the worst inflation rate we will record for the ber-months and it gets better from here,” dagdag pa ni Salceda.

Kadalasan aniyang kinokolekta ng Philippine Statistics Authority ang datos sa unang limang araw ng buwan at sa ikalabinlima hanggang ikalabimpito kaya hindi na nasakop ang pagbagsak ng presyo nitong September 27.

Bagama’t tumaas ng 17.9 percent year-on-year ang presyo ng bigas noong Setyembre, lubha umanong bumagsak ang world prices bago matapos ang naturang buwan.