Hindi mag-aatubili si House Speaker Martin Romualdez na irekomenda kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ibalik ang price cap sa bigas sakaling sumipa sa hindi makatarungan at hindi resonableng presyo.
Ayon pa sa Lider ng Mababang kapulungan na ipagpapatuloy nila ang pagmonitor sa mga presyo ng bigas at iba pang mga bilihin.
Inihayag din nito na ang mga intervention tulad ng pagtatakda ng price cap ay nakatulong sa pagpapababa ng inflation sa nakalipas na taon
Sinabi din ng House chief na patuloy itong nakakatanggap ng reports na ang presyo ng bigas ay nananatili sa P50 hanggang sa P60 kada kilo.
Kaugnay nito, nagbabala si Romualdez sa mga nananamantala, nagtatago, nagpupuslit at nagmamanipula ng mga presyo na hindi mangingimi ang Kamara na i-exercise ang oversight power nito sa pamamagitan ng paglulunsad ng inquiries para maisiwalat ang mga nasa likod ng mga iligal na gawain.
Matatandaan na noong Agosto 2023 nang inisyu ng Malacanang ang Executive Order No. 39 na nagtatakda ng P41 kada kilo na price cap para sa regular milled rice at P45 kada kilo namang price cap para sa well-milled rice.