Nagmatigas ang China sa resolution ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ng Pilipinas na komokondena sa mga aksiyon nito sa West Philippine Sea.
Mariing tinutulan din ng China sa katauhan ni Chinese Ministry for Foreign Affairs spokesperson Wang Wenbin ang naturang resolution na wala umanong basehan at binahiran umano ang pangalan ng kanilang bansa.
Hinikayat din ng Chinese official ang PH na tigilan na umano ang pag-hype up sa maritime disputes sa pagitan ng PH at China, tigilan ang paglabag umano sa kanilang soberaniya, probokasyon sa karagatan at panumbalikin ang pagresolba sa maritime disputes sa pamamagitan ng negosasyon at konsultasyon sa lalong madaling panahon at makipagtulungan sa China sa pagtiyak ng kapayapaan at istabilidad sa disputed waters.
Ito ay sa kabila pa ang 2016 arbitral award na nagpapawalang bisa sa claims ng China sa disputed waters at kinikilala ang sovereign rights ng PH sa loob ng exclusive economic zones nito.
Una na ngang inaprubahan ng mga mambabatas ang naturang resolution na komokondena sa mga aksiyon ng China sa WPS kabilang na ang pagtutok ng laser sa barko ng PH, pambobomba ng tubig at iba pang uri ng panghaharass sa mga barko ng ating bansa.