Humiling ang mga House prosecutors ng mas mabilis na proseso sa pagmamarka ng mga dokumentong ebidensya sa impeachment case ni Vice President Sara Duterte upang masunod ang nakatakdang paglilitis sa Hulyo 6.
Ayon kina House impeachment lead prosecutor Atty. Gerville “Jinky” Luistro at House prosecutor Joel Chua, napakarami ng mga dokumentong kaugnay sa isyu ng confidential funds. Tinatayang nasa 1,900 dokumento mula sa Department of Education at mahigit 2,000 naman mula sa Office of the Vice President ang kailangang markahan.
Sinabi ni Luistro na apat na grupo ang kasalukuyang nagtatrabaho sa pagmamarka ng mga ebidensya, ngunit may pangamba pa rin kung matatapos ito sa itinakdang oras.
Dahil dito, pinag-aaralan ng prosecution panel ang pagdaragdag ng mga grupo at paggamit ng Biyernes at Sabado para sa proseso, kung papayagan ng Senado.
Bukod sa pagmamarka ng ebidensya, tinatalakay rin ng prosecution panel ang iba pang usaping may kaugnayan sa paghahanda para sa impeachment trial.
Samantala, kumpiyansa ang panel na pagbibigyan sila sa kanilang kahilingan.
Ayon kay Manila Rep. Joel Chua, na positibo sila na mapagbibigyan ang kanilang request na extension ng apat na araw hanggang sa Sabado at ang pagdaragdag ng teams na siyang nagmamarka ng mga evidence documents.










