Niyanig ng magnitude 6.7 na lindol ang southern Peru nitong nitong Huwebes (araw sa bansa), ayon sa United States Geological Survey (USGS).
Naitala ang epicenter ng lindol sa 38 kilometro hilagang-kanluran ng Upahuacho, sa lalawigan ng Parinacochas sa rehiyon ng Ayacucho, at may lalim na humigit-kumulang 66 kilometro.
Naramdaman ang pagyanig nito sa ilang bahagi ng southern Peru, kabilang ang Ica at Arequipa.
Samantala, mas mataas na 7.2 magnitude ang iniulat ng Geophysical Institute of Peru (IGP), na nagtala naman ng lalim na 108 kilometro.
Sa unang report, wala pang naitalang malawakang pinsala. Patuloy namang sinusuri ng mga awtoridad ang mga lugar na naapektuhan ng lindol.
Iniulat din ng Peruvian Navy na walang banta ng tsunami.
Ang Peru ay bahagi rin ng Pacific Ring of Fire, kaya madalas makaranas ng malalakas na lindol ang bansa.










