Hiniling ng House prosecution panel sa Senado na utusan ang kampo ni Vice President Sara Duterte na ipaliwanag kung bakit isinama nito bilang sariling mga testigo ang ilan sa mga testigong ihaharap ng prosekusyon sa impeachment trial.
Ayon sa mga prosecutor, hindi malinaw ang layunin ng depensa sa paggamit ng mga nasabing testigo dahil pangkalahatan lamang ang mga paliwanag na nakasaad sa kanilang pre-trial brief.
Sinabi ng prosekusyon na hindi nila tinututulan ang mga testigo sa ngayon, ngunit nais nilang mabigyang-katwiran ng depensa kung bakit kailangang muling tawagin ang mga ito gayong maaari naman silang ma-cross examine kapag iniharap na ng prosekusyon.
Iginiit ng House prosecutors na mahalagang malinaw ang layunin ng bawat testigo at ebidensiya upang maiwasan ang pagkaantala ng paglilitis at masiguro ang maayos na pagtakbo ng impeachment proceedings.
Dagdag pa nila, ang paglilinaw na ito ay makatutulong sa impeachment court na matukoy kung alin sa mga testimonya ang mahalaga, may kaugnayan, o maaaring nauulit lamang.










