-- Advertisements --

Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga law enforcement agency sa Zamboanga City ang isang malalimang imbestigasyon kaugnay sa madugong insidente ng pamamaril kaninang umaga sa Ateneo de Zamboanga University upang matukoy ang mga pagkukulang at malaman kung ano pa ang maaaring gawin upang maiwasan ang pag-ulit ng ganitong trahedya.

Nagpa-abot din ng pakikiramay si Pangulong Marcos sa mga pamilya at sa buong komunidad ng Ateneo de Zamboanga na naapektuhan ng trahedya. 

Binigyang-diin ni Castro na ang mga paaralan ay dapat maging ligtas na lugar kung saan maaaring matuto, lumago at mangarap ang mga kabataan nang walang takot.

Bagama’t pribadong paaralan ang Ateneo de Zamboanga, sinabi ni Castro na saklaw ng direktiba ang lahat ng paaralan, pribado man o pampubliko. 

Bukod sa seguridad, binigyang-diin din ni Castro ang mahalagang papel ng mga magulang at guro sa paggabay sa mga kabataan. 

Aniya, dapat maging mabuting halimbawa ang mga guro at paaralan sa paghubog ng asal at pagpapahalaga ng mga estudyante.

Nagpasaring naman si Castro na huwag i-itolerate ang mga pagbabanta sa buhay, lalo na sa social media. 

Ayon kay Castro, hindi dapat gawing normal o tanggapin ang mga pahayag na nag-uudyok ng karahasan o pagpatay.

Binigyang-diin niya na responsibilidad ng lahat—gobyerno, paaralan, magulang at komunidad ang paglikha ng mas ligtas na kapaligiran para sa mga kabataan at pag-iwas sa mga insidenteng maaaring humantong sa panibagong trahedya.